Umaasa si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na magiging mas mababa ang bilang ng Election-Related Incidents (ERI) sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections kumpara sa mga nakalipas na halalan.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame kahapon, sinabi ng PNP chief na sa ngayon ay 22 na ang kumpirmadong ERI.
Malaki aniya ang ibinaba nito kumpara sa 40 ERI na naitala noong 2018 Barangay Elections, na kung hindi na madadagdagan hanggang sa pagtatapos ng election period ay katumbas ng 45 porsyentong pagbaba.
Kung ikukumpara naman aniya sa 2022 National Elections kung saan 27 ERI ang naitala, nagkaroon ng 18.51 porsyentong pagbaba ng insidente ng karahasan.
Bagamat may ilang araw pa aniya bago ang BSKE sa darating na Lunes, umaasa ang PNP na magiging mas mapayapa at maayos ang darating na eleksyon kaysa sa mga nakalipas na halalan. | ulat ni Leo Sarne