Pagbabayad ng Philhealth ng claims sa mga pampubliko at pribadong ospital, apektado ng cyber attack

Facebook
Twitter
LinkedIn

Hindi pa makumpirma ng mga public at private hospital kung nabayaran na ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang nasa ₱19 bilyon na claims dahil sa nangyaring cyber attack sa sistema ng ahensya.

Ito ang lumabas sa naging pagdinig ng Senate Sub-Committee on Finance na pinamumunuan ni Senadora Pia Cayetano.

Sa pagdinig, sinabi ni PhilHealth Senior Vice President for Fund Management Sector Renato Limsiaco Jr. na may sapat na pondo ang PhilHealth para bayaran ang mga claim sa mga ospital.

Gayunpaman, pinunto ni Cayetano na hindi maberipika ng mga ospital kung natanggap na nila ang bayad ng PhilHealth dahil naka-down pa ang sistema ng state health insurer bunsod ng cyber attack.

Pinaliwanag rin ni PhilHealth Executive Vice President and Chief Operating Officer Eli Dino Santos na asahan na ang delays sa pagbabayad ng claims dahil sa ngayon ay manual na proseso ang ginagawa nila.

Sa ngayon ay nasa anim na rehiyon na aniya ang nagproproseso ng claims at sa pagtatapos ng linggong ito ay target ng PhilHealth na magamit na ang claims processing system nila para sa lahat ng rehiyon.

Sinabi rin ni Santos na humiling na sila kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bumuo ng task force na tutugon sa isyu ng hacking. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us