Kinondena ni Pangasinan Governor Ramon Guico III ang nangyaring pagpatay sa isang kandidato sa Halalang Pambarangay sa bayan ng Aguilar.
Ayon sa gobernador, nakakalungkot ang pangyayari lalo na at sa flag raising ceremony ng Kapitolyo noong araw ng Lunes ay nanawagan ito para sa mapayapang halalan sa lalawigan.
Aniya, sa pagkakataong iyon, hindi pa niya batid na naganap na ang pagbaril-patay kay Arneil Adolfo Flormata na tumatakbo sa posisyon ng barangay chairman sa kanilang lugar.
Sinabi ni Guico na kinokondena nila ang insidenteng ito ng karahasan at nakipag-ugnayan na rin ito kay PNP Pangasinan Provincial Director PCOL. Jeff Fanged upang agad ding malaman ang anumang dagdag na impormasyong matutuklasan sa ginagawang imbestigasyon hinggil sa kaso.
Matatandaan na noong gabi ng October 22, matapos magtalumpati sa isang Meeting de Avance, ay binaril sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspek si Flormata na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Samantala, nakausap na rin ng gobernador ang mga kasamahan sa barangay ng biktima at ibinahagi nitong wala pang natukoy na papalit sa kanya bilang kandidato sa tinatakbuhan nitong posisyon. | ulat ni Ruel de Guzman, RP Dagupan