Nasayangan si Camarines Sur Representative LRay Villafuerte sa ginawang pagbasura ng Department of Energy (DOE) sa pagkakaroon ng Strategic Petroleum Reserve (SPR) ng bansa.
Ayon kay Villafuerte, ito sana ang isa sa mga hakbang para masiguro na hindi maapektuhan ang Pilipinas oras na magtaas ang presyuhan ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Tinukoy nito ang pahayag ni Energy Secretary Raphael Lotilla na hindi na kailangan ng SPR dahil ang direksyon ng kagawaran ay patungo sa paggamit ng electric vehicle.
Kung saan pagsapit ng 2040 ay target ng Energy Department na maging 50% ng mga sasakyan ay pawang electric na.
Diin ng CamSur solon, bagamat may oil price rollback ngayong araw ay may banta pa rin ng taas-presyo dahil sa pabawas ng oil production ng Saudi Arabia at Russia at dahil na rin sa nangyayaring gulo ngayon sa Israel.
Taong 2021 nang ilabas ng noo’y Energy Secretary Alfonso Cusi ang Department Circular 28 para itatag ang Philippine Crude Oil and/or Finished Petroleum Products and Biofuel Reserve ngunit hindi nagkaroon ng aksyon.
“I don’t know which is worse: that the DOE, on the watch of then-Energy Secretary Al (Alfonso) sat on this SPR plan, or that the DOE, under Secretary Popo (Lotilla), suddenly dismisses it in cavalier fashion, especially at this time when rocketing global oil rates have caused price spirals in transport fares and food prices, which, in turn, have prolonged the elevated inflation that now undermines our country’s post-pandemic economic rebound,” sabi ni Villafuerte. | ulat ni Kathleen Jean Forbes