Pagbibigay ng reward money para mahuli ang mga hacker, iminungkahi ni Sen. Alan Peter Cayetano

Facebook
Twitter
LinkedIn

Iminumungkahi ni Senador Alan Peter Cayetano ang pag-aalok ng reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa isang cybercriminal.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Science and Technology tungkol sa nangyaring cyberattack sa sistema ng PhilHealth, sinabi ni Cayetano na maaaring mag-alok ang pamahalaan ng ₱250,000 hanggang ₱500,000 pesos na reward sa sinumang magre-report tungkol sa isang hacker.

Iginiit ng senador na dapat magpursige ang mga law enforcement agencies ng bansa na makapanghuli ng mga hacker para malaman rin ng publiko na hindi basta-basta biro lang ang krimen na ito.

Sa pagdinig rin ay ibinahagi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na posibleng mga local hacker ang nasa likod ng sunod-sunod na hacking sa ilang website ng pamahalaan.

Ayon kay DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy, bagamat foreign professional hackers ang Medusa na siyang nasa likod ng cyberattack sa PhilHealth system, ang mga sumunod naman aniyang pag-atake sa ibang government websites ay maaaring kagagawan na ng local hackers.

Matatandaang matapos ang cyberattack sa PhilHealth ay nakaranas rin ng cyberattack ang websites ng Philippine Statistics authority (PSA), Department of Science and Technology (DOST), Bureau of Immigration (BI), at ang House of Representatives.

Matapos ang maiksing public discussion ay sumailalim na sa executive session ang Senate panel para matalakay ang detalye ng naging cyberattack sa PhilHealth system. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us