Nakikipag-ugnayan na ang Philippine Coast Guard (PCG) sa port state control na nakakasakop sa oil tanker na nakabangga sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino, madaling araw ng Lunes (October 2) sa karagatang malapit sa Pangasinan.
Nagresulta ang insidenteng ito sa pagkakasawi ng tatlong Pilipinong mangingisda.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PCG Commodore Jay Tarriela, na ang hakbang na ito ay upang maisailalim sa mas malalim pang imbestigasyon ang oil tanker, upang makumpirma kung ito nga ang dumaan sa lugar sa partikular na araw at oras kung kailan naganap ang insidente.
Aniya, sa oras na mapatunayan ng PCG na ito nga ang tanker na dumaan sa lugar, makikipag-ugnayan sila sa Department of Foreign Affairs (DFA), upang makausap ang bansang nakakasakop sa oil tanker. At upang matulungan ang Pilipinas sa paghabol sa liability at claims ng mga naging biktima ng maritime incident.
“We will reach out to the flag of registry ng barko na ito for the administration to or the state administration – kumbaga, kung saan siya naka-register ‘no ng barko to help us in asserting iyong liability claims ‘no sa mga may-ari ng barko na ito.” —Tarriela.
Kung matatandaan, una nang siniguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pananagutin ng pamahalaan ang mga responsable sa insidenteng ito.
Una na ring nilinaw ng PCG na hindi sinadya ang insidenteng ito, at posibleng hindi talaga nakita ng oil tanker ang bangka ng mga Pilipino, dahil sa masamang lagay ng panahon. | ulat ni Racquel Bayan