Pinaalalahanan ni Deputy Majority Leader at Appropriations Committee Vice-Chair Janette Garin ang mga ahensya ng gobyerno na huwag abusuhin ang paghingi ng confidential funds.
Ito’y matapos tumaas ang bilang ng mga ahensyang humihingi ng confidential funds.
Mula aniya sa 16 noong 2012 ay umakyat na sa 28 ang ahensyang humingi ng CF sa ilalim ng 2024 National Budget.
Tinukoy din nito na ang kabuuang confidential fund noong 2016 ay nasa ₱720 milyon lang.
Tumaas aniya ito noong 2017 sa ₱2.07 bilyon, at dumoble ito noong 2020, na umabot sa ₱4.57 bilyon.
“Ang daming nakiuso at naabuso na rin… If we look at the historical data, the jump started in 2017. Tumaas nang tumaas ang confidential fund pero ngayon ang nakikita natin, tila hindi siya napunta sa mga tamang ahensya na dapat taasan—if we are talking about national security,” sinabi ni Garin sa isang panayam.
Bilang vice chairperson ng Committee on Appropriations, nagsumite si Garin ng mga panukalang amyenda sa Small Committee.
Kabilang dito ang pag-reallocate ng confidential funds sa mga ahensya tulad ng Department of Information and Communications Technology, Department of Transportation-Office of Transportation Security, at Office of the Solicitor General.
Suportado rin niya ang pagbibigay ng CF sa anti-smuggling campaigns, gayundin sa Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nagbabantay sa West Philippine Sea. | ulat ni Kathleen Jean Forbes