Pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga jeepney driver at operator sa pagbibigay ng fare discount sa mga estudyante.
Alinsunod sa Republic Act No. 11314 o ang Student Fare Discount Act, makatatanggap ng dalawampung porsyentong (20%) diskwento sa pamasahe ang mga estudyante na sasakay sa mga jeepney, buses, taxi at iba pang pampublikong transportasyon
Ayon sa LTFRB, may karapatan ang mga estudyante sa 20% na diskwento mula Lunes hanggang Linggo, kahit tuwing holiday at sembreak.
Sa ilalim ng nasabing batas, kwalipikado sa diskwento ang mga mag-aaral mula sa elementarya, highschool, technical-vocational, at kolehiyo basta’t mayroon itong dalang student ID bilang patunay na siya ay “enrolled” na estudyante.
Pinayuhan pa ang mga estudyante na magsumbong sa LTFRB at DOTr kapag pinagkaitan sila ng diskwento ng mga driver at operator.
Giit nito na may katapat na karampatang parusa ang sinumang lumabag sa batas. | ulat ni Rey Ferrer