Pinag-usapan nina Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. at United Kingdom Ambassador to the Philippines Laure Beaufils ang pagpapatatag ng ugnayang pandepensa ng Pilipinas at UK sa gitna ng mga kaganapan sa West Philippine Sea (WPS).
Ito’y sa pagbisita ng Embahador sa AFP General Headquarters kahapon, kung saan malugod siyang tinanggap ng AFP Chief at Joint Staff, kasama ang AFP Surgeon General.
Sa pagpupulong ng dalawang opisyal, ipinaabot ng Embahador ang paghanga ng UK sa paninindigan at matapang na aksyon ng Pilipinas sa mga hamong panseguridad sa WPS, sa gitna ng mga mapanganib, mapagbanta, at iligal na kilos ng China sa karagatan ng Pilipinas.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Enrico Gil. Ileto, nagkasundo ang dalawang opisyal na maging mas “vocal” sa diplomatikong posisyon ng dalawang bansa sa mga isyung may kinalaman sa WPS upang maipaalam sa mundo ang nangyayari sa rehiyon.
Nagpasalamat naman si Gen. Brawner sa non-military support ng UK sa Pilipinas, partikular sa edukasyon patungkol sa United Nations Convention on Law of the Seas (UNCLOS) at Climate Change. | ulat ni Leo Sarne
📷: TSg Obinque/PAO, AFP