Nagpaalala ang Caloocan government na hanggang ngayong Biyernes na lang, October 27, papayagan ang paglilinis at pagpipintura ng mga puntod sa mga pampublikong sementeryo sa lungsod.
Kasama ito sa inilabas na paalala ng Caloocan City government kaugnay ng paggunita ng Undas 2023.
Sa iskedyul na inilabas ni Caloocan Mayor Along Malapitan, simula sa October 28 hanggang October 30 ay bubuksan na ang mga sementeryo para sa mga nais bumisita sa mga namayapang mahal sa buhay mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Pinaikli naman hanggang tanghali ang pagbisita sa mga semeteryo mula October 31 hanggang November 2.
Pansamantala namang ipagbabawal ang paglilibing simula October 30, 2023 at muli itong papayagan sa November 2.
Magpapatupad din ng “One Entrance, One Exit” policy sa mga sementaryo at pinapayuhan ang mga bisita na sumunod sa mga panuntunan at huwag magdala ng mga ipinagbabawal gaya ng:
- Anumang nakakalasing na inumin
- Anumang patalim
- Anumang bagay na magdudulot ng malakas na ingay
- Anumang kagamitan sa pagsusugal
- Pagpasok ng mga sasakyan sa loob ng mga pampublikong sementeryo. | ulat ni Merry Ann Bastasa