Tiniyak ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na hindi natitinag ang PNP sa paghahanap ng dalawang ‘top fugitives’ na sina dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag at Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, tumanggi ang PNP Chief na magbigay ng detalye kaugnay ng kanilang search operations at sinabi na lang na basta’t may hawak na arrest warrant ang PNP, ay hindi sila matutulog hangga’t hindi naisisilbi ito.
May inilabas nang arrest warrant ang korte laban kay Bantag at sa kanyang deputy na si Ricardo Zulueta para sa pagpatay sa mamamahayag na si Percival “Percy Lapid” Mabasa noong Oktubre ng nakaraang taon.
Habang may arrest warrants na rin laban kay Teves at tatlong iba pa para sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 9 na iba pa noong Marso.
Nakipag-ugnayan na ang PNP sa International Criminal Police Organization o Interpol para maaresto si Teves na umano’y nagtatago sa ibayong dagat. | ulat ni Leo Sarne