Ibinahagi ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na isa sa mga napag-usapan sa naging official visit ng mga senador sa United Kingdom (UK) ang pagtitiyak ng kapakanan ng nasa 200,000 na mga overseas Filipino workers (OFWs) sa UK.
Kabilang na dito ang nasa 40,000 na mga Pinoy health workers, karamihan ay mga nurse, na malaki ang kontribusyon sa health care sector ng UK.
Ayon kay Go, natalakay nila ng mga counterpart nila sa UK Parliament ang pagprotekta sa kapakanan ng mga OFW, pagtataguyod sa kanilang mga benepisyo at kompensasyon, at pagtitiyak ng ligtas na working environment para sa kanila sa UK.
Nakiusap aniya sila sa UK na pag-aralang mabuti ang benepisyo ng ating mga healthcare workers doon.
Inapela rin aniya nila na gawing mas madali para sa mga Pinoy nurse na magka-access sa mas magandang salary grades at benefits.
Ang naturang official visit ng mga senador sa UK ay pinangunahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri, na sinamahan nina Go at Senador Grace Poe. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion