Pamamaril sa isang kandidato sa BSK Elections sa Aguilar, Pangasinan, isolated case

Facebook
Twitter
LinkedIn

Bagamat itinuturing ni PNP Pangasinan Provincial Director PCOL. Jeff Fanged na “isolated incident” ang nangyaring pamamaril sa isang kandidato sa pagkapunong-barangay sa bayan ng Aguilar noong gabi ng October 22, tiniyak nitong gagalingan ng kanilang hanay ang gagawing imbestigasyon hinggil dito.

Aniya, matapos ang nakakalungkot na pangyayari, siya at ang hanay ng Pangasinan Police Provincial Office ay gagawing personal na misyon na matukoy, mahuli at mapanagot kung sino man ang nasa likod ng pamamaril kay Arneil Adolfo Flormata, isang kandidato sa nalalapit na halalang pambarangay, na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Ayon kay Fanged, magiging hamon ito para sa mga imbestigador at sa Intelligence Division ng PNP sa lalawigan lalo na at umpisa pa lamang ng election period ay kanya nang sinabi na mayroong kalalagyan ang mga indibidwal o grupo na masasangkot sa anumang uri ng karahasan kaugnay ng halalan.

Matatandaan na noong gabi ng October 22, binaril sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspek ang biktima na noo’y kabababa lamang sa kanyang sasakyan dahil nagpalit ito ng damit matapos magtalumpati sa isang “meeting de avance” sa Barangay Bayaos, bayan ng Aguilar.

Dead-on-arrival (DOA) sa pagamutan si Flormata dahil sa tinamo nitong tama ng bala ng baril sa ulo.

Ang biktima, na admin supervisor din ng kompanyang Aboitiz Solar Services, ay kandidato sa pagkapunong-barangay sa kanyang lugar.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang malalimang imbestigasyon ng PNP hinggil sa insidente upang malaman ang posibleng motibo at pagkakakilanlan ng suspek. | via Ruel L. de Guzman | RP1 Dagupan

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us