Nagpaabot na ng pakikisimpatiya at tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ng isang nasawing Pinoy sa pag-atake ng militanteng Hamas sa Gaza border.
Sa ulat ni DSWD Usec. for Operations Group Pinky Romualdez kay Sec. Rex Gatchalian, kinumpirma nitong bumisita na ang mga tauhan ng DSWD Field Office 3 (Central Luzon) sa pamilya ng 42-taong gulang na OFW sa Pampanga.
Personal umanong nakiramay ang mga ito sa pamilya at nagbigay rin ng P10,000 financial assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations.
Ayon pa sa DSWD, maglalaan din ito ng burial assistance sa pamilya oras na maiuwi na sa Pilipinas ang labi ng migrant worker.
Bukod dito, handa rin umano ang DSWD na magbigay pa ng ibang tulong sa kaanak nito kabilang ang Sustainable Livelihood Program lalo pa’t napag-alaman na ang nasawing OFW ay tumatayong breadwinner ng pamilya.
“The FO-3 also committed to monitor the repatriation of the wife of Paul Vincent who is currently 8 months pregnant and has expressed the desire to return home to the Philippines along with the remains of her husband,” Usec. Romualdez
Kaugnay nito, nakausap na rin ng DSWD ang pamilya ng isa pang Pinoy na nasawi sa kaguluhan sa Israel bagamat humihingi muna ito sa ngayon ng panahon na makapagluksa. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: DSWD