Isinusulong ngayon ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang whole-of-nation approach tungo sa pangangalaga sa kalusugan at nutrisyon ng mga kabataan.
Bahagi ito ng tema ng nalalapit na ika-31 National Children’s Month na ipinagdiriwang tuwing buwan ng Nobyembre.
Sa isinagawang Talakayang Makabata, ipinunto ni CWC Exec. Director, Usec. Angelo Tapales na mahalagang matutukan ang pagbibigay access sa mga bata sa masustansyang pagkain gayundin sa mga serbisyong pangkalusugan dahil ito ay isa sa mga malaking hamon na kinahaharap ng kanilang sektor.
Lumalabas din sa pag-aaral na dalawa sa 10 kabataan na nasa edad lima pababa ang stunted o bansot habang 7.6% naman ng mga kabataang edad lima pababa ang ‘malnourished’ din.
Ayon sa CWC, mahalaga ang pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan para masolusyunan ito.
Katuwang naman dito ang DOH na nangakong palalakasin ang implementasyon ng Universal Healthcare Law.
Sa panig naman ng DSWD, kasama sa mga programa nito sa mga kabataan ang supplemental feeding program.
Tiniyak rin ni DSWD Asec. Irene Dumlao ang pag-agapay sa mga magulang alinsunod na rin sa pagpapatupad ng Parent Effectiveness Service Act upang matulungan ang mga ito sa tamang pagpapakain sa kanilang mga anak. | ulat ni Merry Ann Bastasa