Mariing kinokondena ni House Committee on Foreign Affairs Chairperson at Pangasinan 3rd District Representative Rachel Arenas ang pagkamatay ng dalawang Pilipino dahil sa girian sa pagitan ng Israel at grupong Hamas.
Aniya, higit na nakakalungkot ang pangyayari dahil isa sa nasawi ay kaniyang kababayan.
Sinabi ni Arenas, kaisa sila sa pagdadalamhati ng mga naiwang pamilya lalo at wala naman kinalaman ang kanilang kaanak sa gulo at nadamay lang.
“I strongly condemn the pointless killing of two innocent Filipinos caught in the fierce fighting between Israel and Hamas. This senseless violence must immediately stop to avoid further bloodshed and loss of life. To the families of those who were killed, one of which was my very own kababayan from Pangasinan, I express my most heartfelt sympathies to you,” sabi ni Arenas
Pagsisiguro naman nito na nakahanda ang pamahalaan na magpaabot ng tulong sa kanila.
Muli ring nanawagan si Arenas na itigil na ang karahasan at pag-atake upang wala nang inosenteng buhay pa ang madamay.
“To the instigators of the hostilities, I have nothing but contempt for your actions and I pray that you will be soon held accountable and be brought to justice. The world has no place for people like you,” diin ng mambabatas.
Ayon naman sa Department of Migrant Workers (DMW), nakikipag-ugnayan ang ating pamahalaan sa Israeli authorities para mapauwi ang mga labi ng dalawang Pilipinong nasawi.
Sa ngayon kasi ay limitado ang operasyon ng paliparan sa Israel. | ulat ni Kathleen Jean Forbes