Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 6 na pabilisin ang rehabilitasyon ng Paliwan Bridge na dumudugtong sa mga bayan ng Bugasong at Laua-an, Antique na nasira sa kasagsagan ng Bagyong Paeng noong nakaraang taon.
Sa muling pagbisita ni President Marcos sa Antique kung saan pinangunahan niya ang pamamahagi ng rice subsidy at iba pang government assistance, sinabi niya na ang epektibo at mabisang pangangasiwa sa daloy ng produkto at serbisyo mula sa sakahan patungo sa merkado ay isa sa mga dapat pagtuunan at kabilang na dito ang maayos na transportasyon.
Ayon sa Pangulo, dapat gawing prayoridad at madaliin ang rehabilitasyon ng Paliwan Bridge.
Ang Paliwan Bridge ay ang kumokonekta sa Northern at Southern, Antique at pansamantalang dumadaan ang mga sasakyan sa access road habang hindi pa napapalitan ang nasirang tulay.
Ikinagalak naman ni Governor Rhodora Cadiao ang pahayag ng Pangulo at umaasa na mapabilis ang rehabilitasyon ng Paliwan Bridge. | ulat ni Merianne Grace Ereñeta | RP1 Iloilo