Muling binuhay ng isang mambabatas ang panawagan na ibalik na ang parusang kamatayan laban sa mga drug offender.
Kasunod ito ng pagkakasabat ng tinatayang ₱3.6-billion halaga ng shabu sa Pampanga kamakailan.
Sa isang panayam, muling binigyang-diin ni House Committee on Dangerous Drugs Chair at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na deterrent o makapipigil sa paglaganap ng iligal na droga ang death penalty.
Katunayan, sa ibang mga bansa aniya, bago lumapag ang eroplano ay binabalaan ang mga pasahero tungkol sa parusang kamatayan kung mahulihan ng droga.
“That’s why there is really a need to study the revival of the death penalty proposal so that if we really want to address the problem of illegal drugs, I guess this is one tool, one instrument that can deter the syndicates from trying to bring in all these illegal drugs into the country,” sabi ni Barbers.
Kailangan din ani Barbers na isalang sa “morality seminar” ang law enforcement unit ng bansa upang maintindihan ang kahalagahan ng kanilang trabaho.
Aniya gaano man kaliit ang gramo ng droga ay maaaring mauwi ito sa krimen o pagkasawi.
“Because they should understand that a single gram or an ounce of a drug, once it gets in, it can probably kill someone or probably make someone commit a crime. Because once you’re high you don’t exactly know what you’re doing and things like that. So it can be a contributory factor into the crimes that may be committed because they’re under the influence,” sabi pa ng mambabatas.
Umaasa naman si Barbers na hindi matutulad ang Pilipinas sa ibang mga bansa na gumagawa at nag-eexport ng droga. | ulat ni Kathleen Jean Forbes