Simula na ngayong araw ang paniningil ng dagdag piso sa pamasahe sa mga traditional at modern jeepney sa buong bansa.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang dating P12 na minimum na pamasahe sa Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ) ay magiging P13 na habang ang P14 naman sa Modern Jeepney ay magiging P15 na.
Ang dagdag pisong pamasahe o provisional fare ay inaprubahan ng LTFRB dahil sa hiling ng ilang transport group dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Samantala, binigyang-diin pa ng LTFRB na ang provisional fare increase ay nangangahulugang pansamantala lamang na pagtaas ng pamasahe sa mga pampublikong dyip.
Nilinaw rin ng ahensya na hindi na kailangang magpaskil ng taripa o fare matrix sa mga pampublikong jeepney dahil tanging ang minimum na pamasahe lamang ang madaragdagan ng piso (P1.00) at hindi maaapektuhan ang pamasahe para sa mga susunod pang kilometro.
Ipinapaalala rin ng LTFRB na kinakailangan pa ring ipatupad ang 20% na diskwento para sa senior citizens, Persons with Disability (PWDs), at mga estudyante. | ulat ni Rey Ferrer