Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na nagpalabas ito ng revised guidelines sa lahat ng Regional, Provincial at Local Police Public Information Offices.
Ito’y makaraang umalma ang ilang mamamahayag sa Negros Occidental Police Provincial Office dahil sa inalis ang ilang detalye sa Police report gaya ng pangalan ng biktima gayundin ng salarin o suspek.
Paliwanag dito ni PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo, saklaw kasi aniya ito ng Data Privacy Act kung saan, dapat manatiling protektado ang pagkakakilanlan ng mga sangkot sa isang kaso kung hindi pa ito naihahain sa piskal o sa hukuman.
Subalit inalmahan ito ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) na nagsabi na ang nirepasong panuntunan ng PNP ay isang uri ng pagsikil sa karapatan ng publiko sa tamang impormasyon.
Pero depensa ni Fajardo, layunin ng nirepaso nilang panuntunan na protektahan ang sinumang indibidwal habang patuloy pa ang imbestigasyon dahil maisisiwalat na rin ito kapag naisampa na ang kaso. | ulat ni Jaymark Dagala