Ipapasok ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera sa scholarship program ang mga naiwang dependent ng mga OFW na nasawi sa Israel.
Ayon kay Herrera, ang mga school-aged dependents o naiwang kaanak ng mga OFW na nag-aaral pa ay maaaring maging grantee ng Congressional Migrant Workers Scholarship Program.
Para sa mambabatas, nararapat lamang na maging iskolar ang kanilang mga kaanak na nag-aaral dahil ipinaglaban nila ang kanilang mga pamilya, itinaas ang dignidad ng kanilang propesyon, nagmalakaskit nang lubusan sa kanilang mga inalagaan, at nagpamalas ng hindi matatawarang kabayanihan bilang Pilipino.
Makikipag-ugnayan ang party-list solon sa kamag-anak nina Angelyn Peralta Aguirre, Paul Vincent Castelvi, at Loreta Villarin Alacre para alamin kung sino sa kanilang mga anak, kapatid o pamangkin ang nag-aaral pa at maaaring ipasok sa scholarship program hanggang sa makapagtapos sa kolehiyo.
Ang naturang scholarship program ay nakapaloob sa Overseas Workers Welfare Administration. | ulat ni Kathleen Jean Forbes