Nakikiisa si Senador Risa Hontiveros sa pakikipaglaban ng mga Grab rider at iba pang riders sa iba’t ibang platforms para sa mas makatarungang fare matrix.
Ayon kay Hontiveros, maraming dapat na ipaliwanag ang mga kumpanya na nagsasagawa ng mga mapang-abusong mga polisiya.
Ipinaliwanag ng senador na sa bagong fare matrix ng Grab, ibinaba ang minimum base fare sa ₱35 mula sa ₱45 pesos at ang dagdag na bayad per kilometer sa ₱7 na lang mula sa ₱10.
Gayunpaman, ipinunto ng mambabatas na maaari ngang makamura ang mga costumer pero ang dagdag gastos naman ay ikakarga sa mga delivery rider.
Giit ni Hontiveros, kung ang bagong fare matrix na ito ay layong tulungan ang mga customer ng Grab ay dapat hindi naman ipasa ang pasakit sa mga Grab rider.
Sinabi ng senador na hindi tamang tapyasan ang kita ng mga manggagawang ito sa “gig economy” sa panahon ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ipinaalala rin ni Hontiveros na may karapatan ang mga Grab rider na ipahayag ang kanilang saloobin sa bagong fare matrix ng kumpanya kasunod ng mga ulat na sinuspinde ang mga rider na nagprotesta. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion
📸: Grab