Nakausap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kaanak ng dalawang OFW sa Israel na nakabilang sa listahan ng casualties kaugnay ng sumiklab na kaguluhan roon.
Sa Facebook post ng Pangulo, inihayag nito na iyon ang pinakamahirap na phone call na kaniyang nagawa bilang Presidente ng bansa.
Makikita sa larawan ng Presidente ang magkahalong pag-alala, pagiging emosyonal habang mababanaag din na may mugto at lungkot sa mga mata ng Pangulo.
Kaugnay nito’y sinabi ng Pangulo na kasama ang buong bansa sa pagdadalamhati kasunod ng pagkawala ng dalawang kababayan natin na nasawi sa gulo sa Israel.
Kasabay nito ang pagtiyak na ipagkakaloob ang suporta sa mga pamilya ng mga OFW sa Israel na nasawi sa labanan sa pagitan ng pwersa ng Israel at ng grupong Hamas.
Sa harap nito’y binigyang diin ng Pangulo na hindi mahahadlangan ng nangyaring trahedya ang pagnanais ng Pilipinas na manindigan para sa kapayapaan. | ulat ni Alvin Baltazar