Patuloy pang inaalam ng Philippine Coast Guard ang tindi ng pinsalang tinamo ng barko nitong BRP Cabra matapos masagi ng Chinese Maritime Militia vessel sa panibagong insidente ng pangha-harass nito sa West Philippine Sea.
Sa isinagawang presscon ng Joint NTF-WPS, kinumpirma ni CG Commodore Jay Tariella na ito ang unang beses na intensyonal na ang pagharang ng Chinese militia vessel sa barko ng Pilipinas, na humantong sa pagsagi nito sa likurang bahagi ng barko.
Indikasyon aniya itong lumalala na talaga ang pangha-harass ng China sa West Philippine Sea.
Paliwanag nito, hindi maituturing na basta lang gasgas ang tinamo ng BRP Cabra at ngayon ay sinusuri pa nila ang tama nito.
Maging ang Unaiza May 2 na binangga naman ng China Coast Guard ay hindi pa na-assess ang kabuuang pinsala dahil ito ay hindi pa nakakadaong sa pantalan.
Samantala, tinukoy naman ni Tarriela na may tatlong probisyon ng Collision Regulation ang nalabag ng China Coast Guard pati na ang Chinese Maritime Militia. | ulat ni Merry Ann Bastasa