Tiniyak ng Philippines Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ibibigay ang P12 milyong premyo ng isang bettor noong 2014 na aksidenteng nasunog ang winning ticket.
Kasunod ito ng desisyon ng Korte Suprema na kailangan ibigay ng PCSO ang premyo sa bettor.
Nag-ugat ang desisyon ng Korte Suprema sa reklamo ng bettor noong 2014 nang manalo ito sa Lotto 6/42 ngunit hindi pinayagan noon ng PCSO na makuha ang premyo dahil hindi aniya ma-validate ang nasirang ticket dahil sa sunog na parte nito.
Nasunog ang ticket matapos subukan nitong plantsahin ang natupi nitong winning ticket.
Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, nakausap na nito ang nanalong bettor at tiniyak na agad na maitu-turn over ang premyo oras na maayos ang iba pang kinakailangang dokumento.| ulat ni Diane Lear