Iniutos na ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa isang lalaking nagpapanggap na enforcer ng ahensya at nangingikil ng pera sa mga motorista sa Cubao, Quezon City.
Sa isang pahayag, hinikayat ng LTO chief ang iba pang nabiktima ng suspek na kinilalang si Jurdinito Rid Macula na makipag-ugnayan sa Quezon City Police District (QCPD) para mapalakas ang kaso laban rito.
Naaresto si Macula matapos mabisto ang panloloko nito sa isang motoristang kanyang hinarang.
Matapos ang verification process ng LTO-NCR, nakumpirmang hindi konektado sa ahensya si Macula.
Siniguro naman ng LTO chief na personal nitong tututukan ang kaso laban sa pekeng enforcer hanggang sa mapanagot ito.
“Tinitiyak ko na mananagot ang taong ito sa kanyang pagdungis sa pangalan ng LTO. All the possible charges will be filed against him. Personal kong tututukan ang kasong ito dahil gusto kong maturuan ng matinding leksyon ang taong ito,” babala ni Mendoza.
Tiniyak rin ni Mendoza na magpapatuloy ang kanilang agresibong kampanya laban sa mga fixer at mga nanggagamit ng pangalan ng LTO para makapanloko.
“We have been conducting aggressive operations against fixers and we are putting all systems in place to deny any opportunity for corruption in the agency. Kaya hindi tayo papayag na may isang impostor na sisira sa pangalan ng LTO,” ani Mendoza. | ulat ni Merry Ann Bastasa