Nagsanay ang Philippine Navy at US Navy sa anti-submarine warfare sa ikatlong araw ng “sea phase” ng SAMASAMA 2023 Exercise.
Dito’y gumamit ng Expendable Mobile Anti-Submarine Warfare Training Target (EMATT) para mag-simulate ng “acoustic signature” ng submarine, na sumubok sa kakayahan ng mga kalahok na barko na i-track at i-target ito.
Nauna rito, nagsagawa din ang dalawang pwersa ng Maritime Domain Awareness (MDA) exercise; Visit Board Search and Seizure (VBSS) exercise; Replenishment at Sea Approaches (RASAP); at Passage Exercises (PASSEX).
Kabilang sa mga asset na lumahok sa pagsasanay ang BRP Lolinato To-Ong (PG902), BRP Antonio Luna (FF151) at King Air C90 aircraft ng Philippine Navy; at USS Dewey (DDG105), supply ship USNS Wally Schirra (TAKE-8), at P-8 aircraft ng US Navy.
Ang SAMASAMA 2023 ay taunang bilateral navy-to-navy exercise sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos na tatagal hanggang October 13, 2023. | ulat ni Leo Sarne
📷: PH3 Hearold M Ronda PN / NFSL PAO