Nanawagan si Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci Jr. sa mga bansang kasama sa SAMASAMA Naval Exercise na patuloy na palakasin ang alyansa, pahusayin ang interoperability, at itaguyod ang rules-based international order.
Ang pahayag ay ginawa ni VAdm. Adaci sa pagbubukas kahapon ng taunang bilateral exercise ng Philippine at US Navy sa Phil. Navy Headquarters.
Kasama ni VAdm. Adaci sa opening Ceremony si US 7th Fleet Commander Vice Adm. Karl Thomas, at Naval Forces Southern Luzon (NFSL) Commander, Commo. Joe Anthony Orbe na siyang Officer Conducting the Exercise (OCE).
Nasa 700 sailor at Marines mula sa iba’t ibang unit ng Philippine Navy ang kalahok sa pagsasanay sa NCR at sa NFSL area of operations; gayundin ang BRP Antonio Luna (FF151), AW109 naval helicopter, C-90 aircraft, at Naval Special Operations Unit sa sea phase ng ehersisyo.
Kasama din ang mga Navy ng Japan, United Kingdom, Canada, France, at Australia sa mga Subject Matter Expert Exchanges (SMEE) at pagsasanay sa Humanitarian and Disaster Relief (HADR); at ang Royal New Zealand Navy at Indonesian Navy bilang observer. | ulat ni Leo Sarne