PhilHealth, bukas sa anumang imbestigasyon sa nangyaring data breach sa kanilang sistema

Facebook
Twitter
LinkedIn

Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na handa itong humarap sa anumang imbestigasyon sakaling kailanganin.

Kaugnay pa rin ito sa nangyaring data breach sa online system ng State Health Insurer matapos ang pag-atake ng Medusa ransomware syndicate.

Ayon kay PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma, patuloy ang kanilang ugnayan sa iba’t ibang mga ahensya gaya ng National Privacy Commission, National Bureau of Investigation, at Philippine National Police na nagsasagawa ng pagsisiyasat sa usapin.

Una rito, sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy na patuloy pa nilang inaalam kung sino at nasaan ang mga hacker na umatake sa sistema ng PhilHealth.

Sa ngayon, ani Uy, maliban sa tinatawag na Dark Web ay inilabas na rin ng mga hacker sa Telegram ang mga nakuha nilang datos mula sa PhilHealth.

Dahil walang nakuhang ransom mula sa pamahalaan ang mga hacker, sinabi ni Uy na posibleng ibenta ang nakuha nilang mga impormasyon sa mga scammer at phisher para gamitin sa panloloko.  | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us