Labing-isang sikat na motorcycle vloggers o motovloggers ang tinap ng Department of Tourism (DOT) at ng Tourism Promotions Board (TPB) upang tuklasin ang tourist destinations sa Pangasinan sa pamamagitan ng Philippine Motorcycle Tourism Pangasinan Adventure Ride.
Humigit kumukang 500 riders ang umarangkada sa bayan ng Bayambang, Calasiao, Binmaley, Baywalk Lingayen, sa Capitolyo, at sa Alaminos City. Ayon kay Pangasinan provincial tourism and cultural affairs officer Malu Elduayan ito ay upang i-promote ang adventure destinations.
Sumikat ang motorcycle tourism matapos ang pagluwag ng movement restrictions sa huling bahagi ng pandemya.
Sinabi ni Elduayan na may mga istasyon na tinukoy para sa mga rider upang maglagay ng kanilang mga sticker, na practice sa naturang hanay upang ipaalam sa kanilang followers na sila ay nanggaling na doon
Layon ng PMT riders na tuklasin ang ganda at tumulong sa pagsulong ng turismo ng bansa sa pamamagitan ng kanilang ligtas at sama-samang pagbiyahe sa iba`t ibang probinsya.
Ani Elduayan, ang mga destinasyon ay siniyasat upang matiyak na ang mga kalsada ay ligtas para sa riders. Umaasa ito na ang programa sa turismo ay makahikayat ng mas maraming turista na bumisita sa lalawigan sa darating na bakasyon.
Tiniyak nito sa publiko na handa ang Pangasinan sa posibleng pagdagsa ng mga turista matapos makipagtulungan ang local government units sa iba pang ahensya ng gobyerno para matiyak na ligtas ang mga kalsada at tourist destination. | ulat ni Mildred Coquia | RP1 Tayug
Photo: Pangasinan Provincial Government