Iniulat ng Philippine Red Cross ang kanilang pagresponde sa nangyaring aksidente sa Subic Toll Expressway sa Subic Bay Freeport Zone noong Oktubre 3.
Ito’y makaraang bumangga ang isang pampasaherong bus sa Rescue Squad Van ng Subic Bay Metropolitan Authority o SBMA na nagresulta sa pagkakasugat ng 16 na indibidwal.
Ayon sa PRC, agad na nalapatan ng first aid ng kanilang Emergency Medical Service o EMS ang mga biktima bago dalhin ang mga ito sa James L. Gordon Memorial Hospital para doon bigyan ng mas angkop na atensyong medikal.
Kasunod nito, binigyang diin ni PRC Chairman at Chief Executive Officer Richard Gordon ang kahalagahan ng pagkakaroon ng EMS dahil malaki ang naitutulong nito sa pagsagip ng mas maraming buhay sa panahon ng emergency.
Ang kanilang mga EMS personnel ay highly trained at equip sa pagtugon ng mga ito sa mga kritikal na sitwasyon at naagapan nito ang paglala ng kondisyon ng mga biktima ng aksidente.
Mula Enero 1 hanggang Oktubre 3 ng taong ito, nakapagpakalat na ang PRC ng nasa 8,200 ambulance emergency response at nakapagbigay ng agarang atensyong medikal sa mahigit 26,000 pasyente.
📸: Philippine Red Cross