Pilipinas, itinanghal bilang ‘Best Cruise Ship Destination’ sa Asya

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nakamit ng Pilipinas ang pagkilala bilang isa sa mga nangungunang ‘Best Cruise Ship Destination’ sa Asya.

Ang pagkilala ng ito ay ibinigay sa katatapos lamang ng 3rd Annual World Cruise Award na ginawa sa Dubai.

Mahigpit na nakatunggali ng Pilipinas ang South Korea, Singapore, India, Japan, Sri Lanka, Taiwan, Thailand at Vietnam.

Tinanghal naman ang Abu Dhabi bilang World Best Cruise Ship Destination dahil sa ganda at kakaibang lugar nito.

Ayon kay Tourism Sec. Christina Frasco, gagamitin nilang inspirasyon ang naturang pagkilala upang lalo pang paghusayin ang kanilang trabaho sa Department of Tourism.

Sa panig naman ni Philippine Port Authority General Manager Jay Santiago, ang nasabing award ay nagpapakita ng pagkilala sa mga hakbang ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Tourism.

Dahil dito, lalo pa raw nilang paghuhusayin ang trabaho upang lalo pang makaakit ng mga cruise ship ang bansa na makakatulong para sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.

Kabilang sa mga hakbangin na ginagawa ngayon ng PPA ay ang pagtatayo ng mga terminal na dedicated lang sa cruise operations.

Sinisigurado rin ng PPA na ang mga pantalan ay kakayaning i-accommodate ang mga naglalakikihang cruise ships na inaasahang darating sa mga nalalapit na panahon.

Kasabay niyan, inihahanda na rin ang passenger amenities dahil kinikilala hindi lang ang foreign tourists kundi pati na ang domestic tourists kung kaya’t pati ang mga passenger terminal buildings ay ginagawa na ring ‘world class’.

Bilang bahagi niyan ay inilunsad rin ng PPA ang #PPAsyalTayo travel campaign kung saan ipinapakita sa iba’t ibang social media platforms ang mga katangi-tanging destinasyon at atraksyon sa iba’t ibang lugar na maaring maabot hindi lamang ng eroplano kundi lalo na ng mga barko. | ulat ni Michael Rogas

📷: DOT

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us