Binabantayan ngayon ng gobyerno ang potensyal na epekto ng kaguluhan sa pagitan ng Israel at Hamas sa ekonomiya ng Pilipinas.
Sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona Jr. na minimal pa lamang ang epekto ng tensyon sa Israel sa presyo ng langis sa ngayon pero aniya posibleng magkaroon ito ng epekto sa pandaigdigang paglago.
Paliwanag ng Sentral Bank official na sa ngayon—wala pa itong epekto sa halaga ng piso at pag-akyat sa presyo ng langis.
Diin ng Remolona, patuloy na nakabantay ang Monetary Board sa nagaganap ngayong pandaigdigang sigalot sa Gitnang Silangan.
Sa magkahiwalay na pahayag, sinabi ni Monetary Board Bruce Tolentino na anumang “intensification” ng tensyon sa Middle East ay maaring magresulta ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ibig sabihin, kapag tumaas ang global crude price ay susunod na magmamahal ang presyo ng refine petroleum product sa bansa na maaring magdulot ng pagtaas ng inflation. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes