Nakaalerto ang mga awtoridad sa bansa sa posibleng spillover ng kaguluhan sa pagitan ng Israel at Hamas.
Sa isang ambush interview sa SMX Convention Center, sinabi ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro na posibleng magsagawa ang mga terrorist group ng kahalintulad na pag-atake hindi lang sa gitnang silangan, kung hindi maging sa iba pang panig ng mundo.
Katunayan aniya, maging ang mga bansa sa Europa ay nagtaas narin ng alerto sa posibleng pagsasamantala ng mga terorista sa kasalukuyang sitwasyong panseguridad.
Nangyari na aniya dati na nagkaroon ng pag-atake ang ISIS sa Pransya at UK noong huling nagkaroon ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Bagamat nilinaw ng kalihim na wala siyang partikular na pinatutukuyang teroristang grupo.
Sinabi naman ni Teodoro, na malaking bahagi ng pangangalaga ng seguridad ang suporta ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad. | ulat ni Leo Sarne