Walang nakikitang pagtaas sa bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas, kahit pa dumadami ang mga tinatamaan ng influenza cases sa kasalukyan.
Pahayag ito ni Health Secretary Ted Herbosa makaraang tanungin kung nakakakita ba ng pattern ang Pilipinas tulad sa Singapore, kung saan muling naitatala ang pagdami ng COVID-19 cases.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng kalihim na ang nangyayari sa Singapore, nakapagtala ito ng panibagong variant ng Omicron.
Mild lamang aniya ito at wala pang kaso ng pagkakasawi ang na-record.
“We don’t have an increase in COVID cases. Singapore reported another variety of Omicron, but it’s still mild and there are no deaths reported. So, we just have to watch out for it. We’ve consumed all our bivalent actually.” —Secretary Herbosa.
Ayon sa kalihim, ang 390, 000 na bivalent COVID-19 vaccines na hawak ng Pilipinas ay una nang nagamit ng bansa.
Umaaasa na lamang aniya ang pamahalaan na mas maraming Pilipino na ang naka-kumpleto na ng kanilang bakuna laban sa COVID-19, at ang mga maitatalang sintomas ay mananatiling mild lamang.
“The 390,000 that we have, we are just hoping that the fact that most Filipinos are completely vaccinated for COVID, symptoms will be mild and this new variety is also like upper respiratory infection. So, we will watch it.” —Secretary Herbosa.| ulat ni Racquel Bayan