Maaari nang talakayin sa plenaryo ang panukala para palawigin ang mga maaaring paggamitan o sakop ng legal assistance funds para mas matulungan ang Overseas Filipino Workers.
Ito’y matapos pagtibayin ng House Committee on Overseas Workers Affairs ang House Bill 9305 na mag-aamyenda sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 at ang Department of Migrant Workers Act.
Sa ilalim ng panukala, ang Legal Assistance Fund (LAF) ay maaari na ring gamitin para sa paghahain ng labor complaint ng mga OFW laban sa kanilang mga employer at iba pang lumabag sa kanilang karapatan.
Sakop din nito ang pagsasagawa ng imbestigasyon, pagkakakulong, o pag-aresto hanggang sa pagdinig ng korte sa kaso at paghahain ng apela kung kinakailangan.
Samantala, ang Agarang Kalinga at Saklolo Para sa mga OFWs na Nangangailangan (AKSYON) Fund ay maaari na ring magamit katulad ng paggamit sa LAF.
Nakasaad din sa panukala na sa mga bansa at teritoryo na wala pang Migrant Workers Offices, ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang magbibigay ng legal assistance sa mga OFW. | ulat ni Kathleen Jean Forbes