Sa pagdiriwang ng 122nd Anniversary ng Pambansang Pulisya o Philippine Police Service sa Bicol, mismong si Pol. Gen Benjamin C. Acorda Jr., ang panauhing pandangal at tagapagsalita. May tema ang okasyon na “Nagkakaisang Pulisya at Pamayanan tungo sa Mapayapa at Maunlad na Bansa.”
Bahagi ng aktibidad, ang turn-over ceremony ng 20 patrol jeep at 1 Toyota Hilux Personnel Carrier para sa Police Regional Office 5 (PRO5). Patunay ito, na komitido ang Pambansang Pulisya na maibigay sa mga istasyon ng pulisya sa Bicol ang tinatawag na “efficient logistical support” upang matupad ang misyon ng pulisya doon.
Narito ang listahan ng mga istasyon ng pulisya sa mga lalawigan sa rehiyon na tumanggap ng patrol jeeps.
Sa Camarines Norte Police Provincial Office, tumanggap ito ng limang patrol jeeps para sa estasyon ng pulisya sa Capalonga, Daet, Jose Panganiban, San Vicente, at Sta Elena.
Sa Camarines Sur Police Provincial Office, may walong patrol jeep para sa Police Station ng Bombon, Buhi, Cabusao, Canaman, Iriga, Sagñay, San Jose, at Sipocot.
Sa Masbate Police Provincial Office, isa ang tinanggap na patrol jeep para sa Pio V Corpuz Municipal Police Station.
Sa Sorsogon Police Provincial Office may anim na patrol jeep para sa police station ng Casiguran, Castilla, Juban, Magallanes, Prieto Diaz, at Sorsogon City. | ulat ni Nancy Mediavillo | RP1 Albay