Muling humirit si Makati Rep. Luis Campos Jr. na madagdagan ang pondo ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) para mapalakas ang kapabilidad na labanan ang cyber-attacks.
Ito’y matapos ang serye ng security attacks sa iba’t ibang government website.
Kamakailan nang makaranas ng hacking at defacement ang website ng Department of Science and Technology, Philhealth, Philippine Statistics Authority at Kamara
Ayon kay Campos, higit ngayong kailangan ng CICC ng makabagong teknolohiya para masawata ang mga cybercriminals.
“We must bolster the CICC with all the necessary cutting-edge technologies to swiftly produce actionable intelligence against all types of threat actors – from thrill seekers and hactivists to cybercriminals and cyberterrorists,” ani Campos
Ayon kay Campos, mangangailangan ng P3 billion ang CICC para mapaganda at mapalakas ang digital forensics at electronic evidence management systems ng ahensya.
Sa ilalim ng kasalukuyang 2023 budget, pinaglaanan ang CICC ng P347.7 million, habang sa kapapasa lang nag 2023 General Appropriations Bill ay binigyan lamang ng P320.8 million.
Ang CICC ay isang inter-agency body na nabuo matapos maisabatas ang Cybercrime Prevention Act of 2012 na pangunahing mandato na pigilan ang krimen gamit computer, computer network, o networked device.
Batay sa report ng Texas-based business consulting firm na Frost & Sullivan umaabot ng $3.5 billion o halos P200 billion ang economic losses ng bansa kada taon dahil sa cybercrime.| ulat ni Kathleen Jean Forbes