Pinaghahandaan na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mas matinding pag-atake pa ng MEDUSA ransomware.
Ito’y kasunod nga ng pag-atake ng nasabing malware sa sistema ng state health insurer na nagresulta sa pagkawala ng mga datos gayundin ang pagka-aberya sa sistema.
Ayon kay Atty. Eli Dino-Santos, Senior Vice President at Chief Operating Officer ng PhilHealth, nakikipag-ugnayan na sila sa isang third party provider upang makatuwang nila sa pagpapatatag ng kanilang digital infrastructure.
Aprubado na aniya ito ni PhilHealth President, Dr. Emmanuel Ledesma at sa ngayon ay kanila na itong ikinakasa.
Gayunman, aminado si Ledesma na sa kabila ng kanilang mga ginagawang hakbang ay mahihirapan silang tapatan ang mga hacker, lalo’t kung mas di hamak na advance ang teknolohiya nito kumpara sa kanila.
Subalit pagtitiyak ng PhilHealth Chief, ginagawa aniya nila ang lahat upang hindi na maulit pa ang naturang pag-atake. | ulat ni Jaymark Dagala