Ngayong long weekend kaugnay ng isasagawang Barangay and SK Elections at Undas 2023, inaasahan ang malaking bilang ng mga pasaherong uuwi sa kanilang mga probinsiya gamit ang mga pantalan, kabilang na ang mga daungan sa ilalim ng Philippine Ports Authority (PPA).
At hindi maiiwasan na ang ilang pasahero ay may kasamang alagang hayop sa kanilang pagbabakasyon sa mga lalawigan.
Kaya paalala ng pamunuan ng PPA, mahalaga ang pagtutok sa mga patakaran sa mga pantalan para iwas na rin sa abala.
Ayon sa PPA, mangyaring makipag-ugnayan sa Bureau of Animal Industry – National Quarantine Services o mag-register sa kanilang website para sa Shipping Permit ng inyong mga pet o halagang hayop.
Kailangan din, ayon sa ahensya, ang Veterinary Health Certificate mula sa inyong beterinaryo kung saan nakasaad ang mga bakunang natanggap ng inyong mga alaga.
Ang mga nasabing dokumento ay kinakailangan upang mapayagan ang pagpasok ng inyong mga alagang hayop sa mga pantalan at barko.
Samantala, patuloy pa rin ang dagsa ng mga pasahero sa iba’t ibang pantalan sa bansa buhat ng long weekend kaya naman sa unang taya ng PPA ay inaasahan nila ang higit sa 1.4 million na bilang ng pasahero sa kanilang mga pantalan hanggang Nobyembre 8. | ulat ni EJ Lazaro