Binisita ni Western Mindanao Command (WesMinCom) Commander Maj. Gen. Steve Crespillo ang iba’t ibang unit sa ilalim ng Joint Task Force Central para masiguro ang preparasyon para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Unang binisita ni MGen. Crespillo ang 601st Infantry Brigade sa Barangay Kamasi, Ampatuan, Maguindanao del Sur, kung saan binigyan siya ng security briefing ni Brigade Commander Brig. Gen. Oriel Pangcog.
Kasunod nito, nagtungo ang heneral sa 1st Mechanized Infantry Brigade sa Camp Leono, Barangay Kalandagan, Tacurong City, Sultan Kudarat kung saan nagbigay ng pag-uulat si Brigade Commander Brig. Gen. Andre Santos tungkol sa paghahanda nila para sa eleksyon.
Sa kanyang pagharap sa mga tropa sa dalawang kampo, binati ni MGen. Crespillo ang mga sundalo sa kanilang mahusay na trabaho at inengganyo sila na ipagpatuloy ang kanilang pagsisikap para masiguro ang ligtas, maayos at matagumpay na BSKE.
Pinaalalahanan din ni MGen. Crespillo ang mga tropa na manatiling non-partisan at panatilihin ang mahusay na koordinasyon sa Philippine National Police (PNP), Commission on Elections (COMELEC) at iba pang partner agency. | ulat ni Leo Sarne
📷: WESMINCOM