Posibleng bumaba sa P36 kada kilo ang presyo ng bigas ngayong Oktubre.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Undersecretary Domingo Panganiban, ito ay bunsod ng pagdami ng ani at suplay ng bigas ngayong harvest season.
Dagdag pa ng opisyal, posibleng lalong sumipa ang presyo ng bigas kung hindi nagtakda ng price cap si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kasunod ito ng pahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nakapag-ambag sa mabilis na galaw ng inflation na naitala sa 6.2 percent nitong September 2023, ang mataas na presyo ng bigas.
Mahalaga aniya ang naging hakbang ng Pangulong Marcos upang mahadlangan ang patuloy na pagsirit ng presyo ng bigas.
Kung hindi aniya nagtakda ng price cap sa bigas ay baka hindi naampat ang pagsipa ng presyo nito sa mga pamilihan.
Ngayong tinanggal na ang price cap, kumpiyansa rin si Panganiban na lalo pang bababa ang presyo ng bigas. | ulat ni Diane Lear