Nananawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko na makibahagi sa ginagawang mga hakbang ng pamahalaan laban sa rice smugglers at hoarders na nananamantala at nagmamanipula ng presyo at supply ng bigas sa bansa.
“Mga kababayan, gaano man kalaki ang kanilang sindikato — tulad ng natimbog natin na smuggler sa pier ng Zamboanga noong buwan ng Agosto — wala pong [binatbat] iyan sa nagkakaisa nating lakas.,” — Pangulong Marcos Jr.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa distribusyon ng libreng bigas sa Roxas City, Capiz, umapela ang Pangulo sa mga Pilipino na ipagbigay alam sa awtoridad kung mayroong impormasyon kaugnay dito at huwag matakot na magsumbong.
“Makilahok sa pagbabantay sa ating lipunan! Marami pa rin pong tayong [malayang nakapanloloko] ng kapwa. Tunay pong nakakagalit ang mga smuggler at hoarder na iyan.” — Pangulong Marcos Jr.
Sabi ng Pangulo, gaano man kalaki ang sindikato sa likod nito, mas malakas pa rin ang nagkakaisang lakas ng mga Pilipino.
“Higit sa lahat, makilahok sa pagbabantay sa ating lipunan! Marami pa rin pong tayong [malayang nakapanloloko] ng kapwa. Tunay pong nakakagalit ang mga smuggler at hoarder na iyan! Nasisira ang daloy ng merkado kaya tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa kanilang mga ilegal na gawain.” — Pangulong Marcos Jr.
Kaugnay nito, sinabi ng Pangulo na puspusan na ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Kongreso, para sa pagsasabatas ng panukala na magbibigay ng mabigat na parusa laban sa mga indibidwal na mapapatunayang sangkot sa agricultural economic sabotage.
“Nakikipag-ugnayan din tayo sa Kongreso na maamyendahan ang ilang batas upang tuluyan nang maging krimen ang agricultural economic sabotage at mapabigat ang parusa dito.” — Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Racquel Bayan