Kinumpirma ng Quezon City Local Government na nakabalik na rin sa pwesto si Police Executive Master Sergeant Verdo Pantollano, ang pulis na nasibak dahil sa viral video na pagpapahinto ng trapiko sa Commonwealth Avenue.
Ayon sa QC LGU, naibalik rin sa kanyang trabaho sa Police Station 14 si PEMS Pantollano noong October 10, isang araw matapos na hilingin ni QC Mayor Joy Belmonte na i-reinstate ito.
Una nang ipinaliwang ni Mayor Belmonte na nagdesisyon itong magsalita matapos sabihin ni Acting Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Rolando Artes na normal lang ang pagbibigay ng kortesiya sa VIPs sa mga pampublikong kalsada lalo sa Presidente, Bise Presidente, at foreign dignitaries na bumibisita sa bansa.
Para kay Mayor Joy, ang nag-utos dapat sa pulis na ipahinto ang trapiko sa Commonwealth ang dapat imbestigahan at hindi si PEMS Pantollano na sumunod lang sa utos at ginagawa ang kanyang trabaho. | ulat ni Merry Ann Bastasa