Nahaharap na ngayon sa iba’t ibang kaso ang pulis na namaril ng isang lalaking nakaalitan umano sa isang bar sa Novaliches, Quezon City.
Sa isang pahayag, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) Chief Brigadier General Red Maranan na agad na naaresto ang sangkot na pulis na si Patrolman Edwin Rivera, 26 taong gulang, at nakadestino sa Regional Mobile Force Batallion (RMFB).
Nasa kustodiya na rin aniya ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang suspek at sinampahan na ng kasong murder at illegal possession of firearms na may kaugnayan sa Omnibus Election Code sa gun ban.
Kasama rin sa sinampahan ng kaso ang dalawang kasama nitong pulis na sina Joshua Balisalin at isang John Doe na ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng Kapulisan.
Kasunod nito, muli namang iginiit ni Gen. Maranan na hindi nito kukunsintihin ang mga ganitong maling gawain ng pulis lalo na sa Quezon City.
“Mananatili kami sa tapat na pagtupad ng aming tungkulin na paglingkuran ang mga mamamayan,” ani Gen. Red Maranan. | ulat ni Merry Ann Bastasa