Humingi ng tawad ang Quezon City Police District (QCPD) Station 14 sa viral video na kuha sa Commonwealth Avenue westbound kung saan nadamay ang pangalan ni VP Sara Duterte na umano’y dahilan ng pagpapahinto sa trapiko sa naturang kalsada.
Sa isang pahayag, ipinaliwanag ng QCPD na nalito at nag-overreact lamang ang pulis sa video na si Sgt. Pantallano nang marinig na may paparating na VIP.
Ayon din aniya sa pulis, “VP” ang narinig niyang dadaan kaya nagdesisyon na ipahinto muna ang trapiko para magbigay ng kortesiya.
“Ako po ay humihingi ng paumanhin sa aking maling nagawa. Patawarin nyo po ako, at akala ko po talaga may dadaan na VIP,” saad ni PEMs Pantallano.
Sinabi naman ni Police Lt. Col. May Genio, Station Commander, PS 14, kung papanoorin ang video ay ang uploader ang nagbanggit ng pangalan na VP Sara.
Habang iniimbestigahan naman ang pulis ay ipinag-utos na maalis muna ito sa pwesto.
“I have ordered the relief of my policeman and put him under investigation to determine administrative liability for his actions. We assure the public that this incident will not happen again, dagdag ni Police Lt. Col. May Genio.
Una nang itinanggi ni Vice President Sara Duterte na siya ang dahilan ng pagpapahinto ng mga sasakyan sa Commonwealth Avenue sa Quezon City dahil nasa Mindanao ito kahapon para sa selebrasyon ng Teachers Day. | ulat ni Merry Ann Bastasa