Kung maisasakatuparan ang reclamation projects ng pamahalaan ay magagawa nitong mabayaran ang lahat ng utang ng Pilipinas.
Ito ay ayon kay Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, matapos magkaroon ng pulong kasama ang Philippine Reclamation Authority (PRA).
Sa presentasyon ng PRA ng benepisyo ng reclamation projects, sinabi ni Acting GM John Joshua Literal na may kabuuang P1.95 trillion na direct investment ang horizontal development phase habang aabot ng hanggang P23 trillion ang vertical development.
Positibo naman si Salceda, na posible pang lumaki ang kikitain oras na matapos ang reclamation sa Bulacan.
Sa ngayon kasi, limitado lang sa anim na palapag ang vertical development sa Manila Bay Reclamation dahil sa malapit ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ngunit kung matapos ang nasa Bulacan area ay maaaring makapagpatayo ng hanggang 16 na palapag.
Batay sa datos ng Bureau of Treasury, umabot na sa P14.24 trillion ang pagkakautang ng Pilipinas noong July 2023. | ulat ni Kathleen Forbes