Nilinaw ng Department of Migrant Workers o DMW na hindi pa nila mairekomenda ngayon ang paglilikas sa mga Pilipinong naiipit sa gulo sa Israel.
Ayon kay DMW Spokesperson Toby Nebrida, ito’y dahil sa nagpapatuloy pa ang sigalot sa pagitan ng mga awtoridad doon at ng mga rebeldeng Hamas.
Aniya, lubhang napakadelikado pa ng sitwasyon at hindi nila maaaring ipagsapalaran ang kaligtasan ng mga Pilipino lalo’t malaki ang tsansang maipit sila sa palitan ng putok.
Gayunman, nakahanda ang DMW na ilikas ang mga Pilipino sa sandaling humupa na ang sitwasyon sa paniniwalang nais ng mga ito na lumikas.
Batay sa pinakahuling update mula sa Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv, kanselado na ang lahat ng biyahe ng mga eroplano sa Israel.
Bagaman sarado naman ang Embahada ng Pilipinas sa nasabing lugar, sinabi ng DMW na patuloy pa ring nakatutok sa sitwasyon ang mga opisyal kasama ang Migrant Workers Office roon. | ulat ni Jaymark Dagala