Maaaring mailabas sa loob ng isang linggo ang resulta ng awtopsiya sa 14-na taong gulang na estudyanteng nasawi matapos umanong sampalin ng guro sa Peñafrancia Elementary School sa Antipolo.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Forensic Group Public Information Officer Police Major Sotero Rodrigo, kasunod ng pagdating sa Camp Crame kahapon ng labi ng biktimang si Francis Jay Gumukib para sumailalim sa eksaminasyon.
Kahapon lang nasimulan ang awtopsiya dahil sa naantala ang pag-release ng death Certificate ng biktima sa Amang Rodriguez Hospital.
Nakasaad sa death Certificate ng bata na ang sanhi ng pagkamatay ay global brain edema; habang kabilang sa nakitang kondisyon ng bangkay ang sakit na pulmonary tuberculosis at posibleng child physical abuse.
Ayon kay Maj. Rodrigo, ang physical, brain, at internal examination ay matatapos sa loob ng isang araw pero aabutin ng ilang araw ang pag-release ng resulta. | ulat ni Leo Sarne