Nagtulong-tulong ang mga tauhan ng 80th Infantry Battalion ng Philippine Army; Tactical Operations Group 4 ng Philippine Airforce, at lokal na pamahalaan sa isinagawang retrieval operation sa mga labi ng apat na nasawi sa landslide sa Sitio Angelo, Brgy Umiray sa Gen. Nakar, Quezon.
Base sa ulat, nasa loob ng kanilang bahay ang mga biktima bago gumuho ang lupa malapit sa isang creek.
Ang tuloy-tuloy na pag-ulan kamakailan sa lugar ang itinuturong sanhi ng paglambot at pag-guho ng lupa.
Kinilala ang mga biktima na sina Romel Binalao, 49; Sheryl Delos Angeles, 37; Jonathan Delos Angeles, 39; at Dionelyn Datario, 36 na pawang mga residente ng nasabing lugar.
Nagpaabot ng pakikiramay si 2ID Commander Maj. General Roberto S. Capulong sa mga kaanak ng mga nasawi, kasabay ng pangakong tulong sa mga ito.
Pinuri rin ni Maj. General Capulong ang mabilis na aksyon ng mga residente, barangay officials, mga kasundaluhan ng Philippine Army at Philippine Airforce dahil sa kanilang mabilis na pag responde sa nangyaring insidente. | ulat ni Leo Sarne
📷Courtesy of 2ID